March 18, 2018

Batid ng Kagawaran ng Edukasyon ang pag-aalala ng mga kawani at kaguruan na dulot ng delayed release ng PBB para sa taong 2016. Upang mabigyang linaw ang mga pangamba at haka-haka, narito ang paglalahad ng prosesong isinagawa ng ahensya para maihanda ang PBB:

Upang makatanggap ng PBB ang mga kawani at kaguruan, kinakailangang makamit ng DepEd ang mga conditions na tinakda ng AO25 Interagency Task Force (IATF). Ang AO25 IATF ang sumusuri sa achievement ng ahensya sa loob ng isang taon at nagsasabi kung ito ay agency eligible o karapat-dapat na tumanggap ng PBB. Nagsusumite ang mga ahensya ng mga dokumento bilang patunay ng pagkamit sa mga nilatag na target. Ito ang siyang sinusuri ng AO25 IATF bilang basehan ng pagkakaloob ng eligibility. Sa kaso ng DepEd, may 22 targets na kinakailangang makamit ng ahensya para maging agency eligible. Halimbawa nito ang increase sa paglahok ng Out-of-School Youth sa ALS, ang increase sa average NAT scores, at good governance conditions tulad ng Citizen’s Charter at reporting requirements sa procurement tulad ng PhilGEPS postings.

Nakumpleto ng DepEd ang pagsumite ng lahat ng requirements noong Abril 12, 2017. Noong Mayo 18, 2017, humingi ang Department of Budget and Management (DBM) ng karagdagang paliwanag at target date ng paglabas ng mga resulta ng NAT at A&E Tests. Subalit, hindi agad natugunan ang requirement na ito sapagkat nailabas lamang ang resulta ng NAT noong Disyembre 2017. Agad naman itong ipinadala sa AO25 IATF kasama ang karagdagang paliwanag noong Disyembre 22 at 28, 2017. Matapos ang maingat na pagsusuri, idineklara ng AO25 IATF ang DepEd bilang agency eligible noong January 17, 2018.

Bago pa man makamit ng DepEd ang agency eligibility, inihanda na ng mga kawani sa paaralan, Division at Region ang kani-kanilang Delivery Unit Rankings na magiging basehan ng DBM sa pagproseso ng pondo para sa PBB ng bawat kawani at guro. Ginawa ito ng Kagawaran upang tiyakin na ang mga kinakailangang dokumento at datos ay nakahanda na sa oras na maideklara ang DepEd bilang agency eligible.

Gayunpaman, dahil sa dami ng mga dokumento at datos na kinakailangang isumite, natagalan ang bawat opisina ng DepEd sa pagpapadala ng mga ranking report. Nang isinumite ang mga dokumento sa DBM, may mga pagkakataong ibinalik ito sa mga rehiyon upang marebisa at maitama ang mga napunang iregularidad sa mga reports.

Narito ang latest updates:

  • Ang PBB ng Regions 1, 2, 3, 4A, 5, 11, at 12 ay ipinamamahagi na sa mga guro at kawani ng Division Office (as of March 16, 2018):

Region 1
SDOs: 14/14
Schools: 709/2,949

Region 2
SDOs: 7/9
Schools: 581/2,598

Region 3
SDOs: 19/20
Schools: 1,471/3,666

Region 4A
SDOs: 19/19
Schools: 3,487/3,488

Region 5
SDOs: 13/13
Schools: 3,809/3,810

Region 11
SDOs: 10/10
Schools: 840/1,957

Region 12
SDOs: 8/9
Schools: 2,042/2,161

  • Ang PBB ng NCR ay inaasahang matatanggap ng mga guro at kawani ngayong linggo, kabilang dito ang Pateros, Taguig at Parañaque. Samantala, lahat ng paaralan sa mga siyudad ng Makati, Mandaluyong, Marikina, Muntinlupa, Navotas, Pasay, San Juan, Valenzuela ay nagsimulang makatanggap ng PBB noon pang March 15.
  • Ang aprubadong ranking reports naman ng Regions 8, 9, 10, CAR at CARAGA ay nai-endorso na sa mga DBM Regional Office para maproseso ang pondo.
  • Ang ranking reports ng Regions 4B, 6, at NIR ay kasalukuyang pinoproseso ng DBM Central Office
  • Ang hard copies ng ranking report ng Region 7 ay hindi pa natatanggap ng DepEd Central Office.

Sinisiguro ng DepEd, sa tulong ng DBM, na lahat ng mga ranking report na masusuring tama at kumpleto ay mabibigyan ng prayoridad.

Mula sa mga guro, mga tagapangasiwa ng mga paaralan, hanggang sa mga kawani sa Division, Region, at Central Office – lahat ng parte ay nagaambag-ambag upang maging karapat-dapat ang DepEd na tumanggap ng PBB. Inaasahan ng Kagawaran na patuloy ang pagtutulungang ito sa mga susunod pang taon upang maiwasan ang mga delay at makamit ng DepEd ang mga layunin nito.

END