“It [artwork] expresses my emotions and feelings. Kadalasan idinadaan ng mga artist sa pagpinta o pagguhit ang kanilang mga nararamdaman na hindi nila masabi o maipaliwanag sa iba at gano’n po ako.”
Umagaw ng pansin at bumihag ng damdamin ang galing at husay sa pagguhit at pagpinta ni Robert Regalario, isang Grade 12 learner, nang kaniyang ipakita ang mga likhang sining gamit ang graphite, colored pencils, charcoal, watercolor, sa art exhibit sa Alabat Island High School sa Division of Quezon.
“Masaya ako na na-i-feature ‘yong mga artworks ko dahil maraming nakakita na kapuwa kong mag-aaral pati na rin ‘yong mga guro sa aming paaralan at sana nainspire ko sila sa pagguhit at pagpinta. Dahil maraming nakakita, may nagpa-commission na sa akin at ito ang nagiging income ko para makatulong din sa gastusin sa pag-aaral ko,” ani Robert.
Kuwento ni Robert, nagsimula ang kanyang hilig sa pagguhit at pagpinta nang ipinakita ng pinsan ang likha nitong obra. Labis na namangha si Robert sa mga gawa ng pinsan niya kaya naman sinubukan niya rin ang mga ito.
Naging inspirado rin si Robert sa kanyang guro upang mag-aral ng iba’t ibang techniques. Aniya, natutunan niya rito ang pagdisenyo at pagguhit ng portrait. Namangha rin siya sa mga obra ng iba’t ibang artist sa mga social media platform at dito rin mas lalong nahasa ang galing ng kanyang kasanayan at dinala niya ang kanyang natutunan pag-explore ng iba’t-ibang medium.
Nasorpresa naman ang mga kaklase at guro ni Robert sa kaniyang talent dahil sa siya’y kilalang tahimik lamang siya sa klase. Natuwa si Robert sa reaksyon ng mga ito dahil sa dami niyang nakuhang papuri at mas lalo siyang ginanahan sa kanyang passion.
Payo ni Robert para sa mga estudyante at kabataan na gustong magsimula sa pagguhit at pagpinta na maniwala sa sariling kakayahan at ituloy lang ang passion. Mahalaga din na huwag matakot at mahiya na ibahagi ang talento sa publiko.