“I know for myself na we deserve an opportunity, we deserve a place in the other activities kasi gusto namin na walang ma-le-left behind na region.”
Malakas na hiyawan ang sumalubong sa mga kinatawan ng Bangsamaro Autonomous Region of Muslim Mindanao (BARMM) nang sila’y tawagin para sa pagtatanghal ng chants ng bawat rehiyon sa Learners’ Convergence (LearnCon) PH 2023.
Bagaman tatlo lamang ang kinatawan ng nasabing rehiyon, nagkaisa ang mga youth leader mula 16 pang rehiyon ng bansa para bigyang boses ang kanilang kapwa learners.
Ayon kay Datu Farouk Ampatuan, outgoing protocol officer ng National Federation of Supreme Student Leader Government (NFSSLG) mula Cotabato City, nakatataba ng puso ang pinakitang suporta para sa kanilang delegasyon.
“We are very happy and humbled to meet them all. And Inshallah, sana ma-integrate rin namin ‘yung competitiveness nila in our region,” saad ni Farouk.
Maituturing na pinakamalaking tagumpay ni Farouk bilang student leader ang maluklok sa National Federation of Supreme Secondary Learner Government (NFSSLG) bilang kinatawan ng BARMM na patuloy na nangangailangan ng tulong sa aspekto ng access sa edukasyon.
“Masaya ako na nabigyan ako ng ganoong kalaking oportunidad na mairepresenta ang thousands of Bangsamoro learners sa national level,” aniya.
Umaasa si Farouk na sa mga darating pang taon ay mas dadami ang Bangsamoro learners na makakalahok sa LearnCon at iba pang mga aktibidad ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd).