Maituturing tagumpay sa buhay ng mga kabataan ang adbokasiya sa karapatang pangkabataan na ibinahagi ni LJ Diocel Trigo, isang Grade 10 student at Supreme Student Government (SSG) president ng Camarin High School sa Caloocan City, na L.I.N.K. UP o Listen, Interact, Nurture and Keep it UP sa pagdaos ng Learners’ Convergence Philippines (LearnCon PH) nitong nakaraang linggo.
Sa pakikipagtulungan ng mga miyembro ng SSG, sa pangunguna ni LJ, at ng kanilang Guidance Counselor na si Jocelyn DG Antipala, binuo nila ang L.I.N.K UP na naglalayong magkaroon ng direktang student-to-student communication sa tulong ng peer-to-peer approach.
Ayon kay LJ, malayang naipapahayag dito ng mga estudyante ang kanilang mga nararamdaman at natututunan nila ang mga karapatan bilang mga estudyante sa pangunguna ng SSG officers, peer facilitators, at sa tulong ni Bb. Antipala.
“Para sa akin, pare-parehas tayong mga kabataan and lahat ng ginagawa is lahat tayo ang makikinabang, and ito po ang magpapabuti sa society natin,” ani LJ habang binibigyang-diin ang karapatan pangkabataan.
Bagaman nasa finalization stage pa ang L.I.N.K. UP, inaasahan naman ni LJ na sa implementasyon ng programa ay makatutulong sa empowerment ng kapuwa kabataan sa pagbabahagi ng kaalaman tungkol sa mga karapatan ng kabataan.
Ibinahagi naman ni LJ ang kan’yang mga napagtantohan mula sa mga susing tapagsalita sa pagtatapos ng LearnCon PH.
“Mas maging maalam po tayo. Maging gutom tayo sa kaalaman dahil hindi naman po natatapos sa isang kaalaman lang ‘yong mga puwede nating malaman katulad po rito sa mga sessions sa Learners’ Convergence na makakadagdag sa kaalaman natin at para maipamahagi natin din ito sa iba.”