Sa walong taon na parehong nanungkulan bilang guro na nakatuon sa children with special needs, ibinahagi nila Teacher Joseph at Teacher Ivy Estorba ng Maniki Central Elementary School SPED Center sa Davao del Norte ang kanilang matatawag na ‘greatest achievement’ sa kanilang bokasyon.
“My greatest achievement as a teacher, as a parent, sa mga estudyante ko, is breaking the barriers of communication. Sign language [teaching] has become a profession where you can earn from it, but para sa akin, we are free to hear, to express what we feel kaya dapat free din siya,” ani Teacher Ivy.
Samantala, ibinahagi ni Teacher Joseph na natutuhan niyang turuan ang mga estudyante na may hearing impairment kahit naging hamon sa kanya ito no’ng una dahil hindi sila magkaunawaan. Ito ay sa kadahilanang hindi nakakakarinig ang kaniyang mga estudyante at siya naman ay may problema sa paningin.
Subalit nalampasan niya ito sa tulong ng tactile sign language at passion sa pagtuturo at sa pagtulong. Ibinahagi ni Teacher Joseph ang kanilang paraan sa paggabay sa mga estudyante na may special needs.
“Para mas matulungan ang blind learners, nagtayo kami ni [Teacher Ivy] ng massage clinic. Kapag ready na silang i-employ, ina-absorb namin sila sa clinic. Nagiging masaya na rin kami makita silang kumikita ng pera. Sa clinic, tuloy pa rin ang pagdevelop ng skills,” ani Teacher Joseph.
“Sa [mga learners with] intellectual disability naman, tinuturuan ko rin silang mag-needle craft, at magluto ng simpleng pagkain. Natutuwa [rin] akong [makita silang] nagbebenta ng mga sariling gawa nila,” dagdag nito.