“Super Teacher.”
Iyan marahil ang isasagot ng mga nakakakilala kay Dr. George M. De La Cruz, isang Teacher II sa Handumanan National High School sa Bacolod City, kung tatanungin sila kung paano nila ilalarawan ang guro.
Ayon kay Teacher George, ginamit niya ang kaniyang oras noong pandemya upang mas mapalawig ang kaniyang kaalaman at kakayahan sa pamamagitan ng pagsali sa 5-month cohort program ng United Nations for Sustainable Development Solutions Network (UNSDSN). Sa pamamagitan ng programang ito, nakapag-ensayo siya ng kapwa niya mga guro.
Dito rin siya nagsimulang mag-integrate ng lesson plans na naaayon sa iba’t ibang mga adbokasiya sa buong mundo. Ang kaniyang inobasyon, ang lesson plan na kaniyang gawa, ang “Expanding K to 12 Philippine Curriculum cum SDGs, Culed, and GCED” ay nakakuha ng $1,000.00 fund mula sa UNESCO APCEIU.
“Go beyond your mandate and go the extra mile! Explore the global space of learning by capacitating yourselves in all aspects of learning. Expose and engage yourselves for continuous learning. After all, giving learners the best learning experience shared with them will be the ultimate legacy a teacher could ever have for himself as a consolation,” saad ni Teacher George.
Inilunsad rin niya ang mga programa na makatutulong sa learners sa kanilang pag-aaral. Una na rito ang Self-Assessment Learning Tool (SALT), isang assessment tool na maaaring gamitin ng mga mag-aaral upang masukat ang kanilang natutunan sa eskwelahan.
Pangalawa, ang Students’ Incentivized Learning Action (SILA) Strategy na nagsisilbing attendance o daily time record ng learners. Binibigyan niya ng incentize ang mga mag-aaral na makapagtala ng perfect attendance sa isang linggo. Sa pamamagitan ng mga programang ito, tumaas ang kagustuhan ng learners na matuto at pumasok sa eskwelahan.
Ang Project LIBRO o “Learners Innovative Book Resource Outlet” ay naglalayon naman na matulungan ang learners na nagri-research. Nakipagtulungan siya sa iba’t ibang partners upang magkaroon ng karagdagang research and reading materials ang mga mag-aaral.
Upang punan naman ang kakulangan sa kagustuhan ng mga kabataan sa pagbabasa, itinayo ng dibisyon ang Barangay Reading and Arts Center (BRAC) Book Nook, isang community social library sa tulong at suporat ng lokal na barangay at National Book Development Board.
Tunay nga na not all heroes wear capes, ang iba nasa loob ng paaralan, nasa harap ng mga pisara, at tahimik na binabago ang mundo, one student at a time.