Hindi man naging madali ang pagpasok sa larangan ng Robotics, pinagsikapang maigi ni Teacher Luciano “Ian” Renoblas Bargaso, mula sa JAPeR Memorial High School sa Sagbayan, Bohol, na sumali sa mga workshop at teacher competitions, pag-aralan at matuto nito upang maibahagi sa kaniyang mga mag-aaral
Naging pioneering coach si Teacher Ian noong 2017 para sa Robotics ng Bohol, at mula noong 2018 hanggang sa kasalukuyan, maraming nang sinalihang kompetisyon at nakamit na tagumpay ang robotics team ng kanilang paaralan sa ilalim ng kaniyang paggabay.
Isa sa pinagmamalaki nilang kompetisyon na pinalanunan nila ay ang Philippine Robotics Olympiad (PRO) 2023 kung saan nanalo sila sa kategoryang Future Innovators (SHS-Champion) at Robo Mission (JHS-2nd Place). Dulot nito, kakatawanin nila ang Pilipinas sa World Robot Olympiad 2023 sa Panama City, Panama.
“Maliban sa mga medalya, premyo, at kasikatan sa mga kapwa kamag-aral, nais ko din na bigyang halaga ng mga bata ang kanilang karanasan at mga natutunan sa kanilang mga kompetisyon,” ani Coach Ian.
“Pangarap ko sa kanila na makakuha ng mga scholarship sa magagandang paaralan sa loob at labas ng bansa, iyon ang masasabi ko na tunay na tagumpay ko bilang guro,” dagdag pa niya.
Dahil nga dito, kamakailan lamang ay siniguro ni Vice President at Kalihim ng Kagawaran ng Edukasyon Sara Z. Duterte na buo ang kaniyang suporta at ng DepEd Central Office para sa kanilang kompetisyon sa Panama.
Ayon kay Coach Ian, magandang senyales ang bawat suporta kanilang natatanggap sa larangan ng robotics dahil mas maraming bata ang mabubuksan ang mata at matututo sa kapana-panabik na mundo ng robotics kung saan siya nagmula,
“Laking pasasalamat ko po kay Sec. Duterte at sa DepEd family sa tulong po na ibibigay nila sa amin, labis na natutuwa ang mga bata dahil ito ang unang beses nila na makakasali sa international competition ng face-to-face,” aniya.
Kabilang sa kaniyang team na magre-representa sa Pilipinas sa Panama ay ang mga mag-aaral na sina Janna Ebette Alfuerto, Gebie Gonzaga at Nicole Suarez sa SHS; at James Carl Nable at Christine Joy Gohil sa JHS. Kasama rin ni Coach Ian ang kanyang mga Co-coaches na sina Jimmy Sy Jr., Lani Rose Cabanag, at Joan Bravo.