Mahalaga at malaking misyon ang sinuong ni Sir Jesus C. Insilada, Public Schools District Supervisor at Division Indigenous Peoples Education (IPEd) Focal Person ng SDO Iloilo, sa pagsisigurong inklusibo ang kanilang edukasyon para sa mga miyembro ng Indigenous Cultural Communities (ICCs) at minority sectors.
“Inclusive education means real learning opportunities for groups who have traditionally been excluded – not only children with disabilities, but members of the ICCs, and others representing minority sectors,” pagbabahagi niya.
At upang maisakatuparan ito, pinangunahan ni Sir Insilada ang mga programa at proyektong mag-i-intitutionalize ng integrasyon ng kultura sa kurikulum. Noong kasagsagan ng pandemya, inimplimenta niya ang Culture-based Inclusive Education (CbIE) sa Balay bilang suporta home-based learning.
Sa tulong nito at pag-integrate ng kultura sa learning experience ng mga bata, aniya na-a-activate ang kanilang prior knowledge at nakatutulong na kanilang mas maintindihan ang mga aralin.
“Bilang bahagi ng isang katutubong pamayanan na naninilbihan sa mga katutubo bilang guro at instructional leader, nakikita ko ang kahalagahan ng integrasyon ng katutubong kultura sa kurikulum upang maging lalong makahulugan ang learning experience para sa mga katutubong mag-aaral,” saad ni Sir Insilada.
Bilang suporta naman sa learning recovery program ng Kagawaran, inilunsad nina Sir ang Kada Tumandok nga Bata: Makabasa, Makakalkula (Bawat Batang Katutubo: Makapagbasa, Makapagbilang), upang palawigin ang literacy at numeracy innovations sa lahat ng IPEd-implementing Schools sa SDO Iloilo.
Lumikha at nag-quality assure rin sila ng culture-based learning materials (LMs) tulad ng Hubon IPEd Worksheets, storybooks, at learning packages na-validated din ng cultural masters at community representatives.
Sa pamamagitan ng inisyatiba ni Sir Insilada na bumuo ng isang culture-based at inclusive education sa kanilang komunidad, mas naintindihan, na-enganyo, at napreserba ang kultura ng mga mag-aaral natin na nabibilang sa IP communities.
Sa kaniyang dedikasyon sa pagtataguyod ng inklusibong edukasyon, higit lalo sa IPEd learners, at sa natatangi niyang kontribusyon na direktang nakatutulong sa mahigit isang kagawaran ng pamahalaan, itinanghal siyang National Winner at nakatanggap ng 2020 CSC Pagasa Award.