“Work like butterflies. Hindi maingay pero masipag. Hindi halos napapansin ‘pag nagtatrabaho pero their contribution to the world ay napakalaki.”
Bitbit ni Master Teacher I Rizalina Nacpil ng San Manuel Elementary School sa Tarlac City Schools Division ang mga katagang ito sa kaniyang pagsisimula ng mga maliliit na hakbang na nagbubunga ng malalaking pagbabago.
Matapos masaksihan ang hirap ng buhay sa kanayunan, sinimulan ni Teacher Rizalina ang simpleng pamamahagi ng regalo noong 2015 sa Burgos Elementary School para matulungan ang kanyang mga estudyante na salat sa buhay. Kalaunan ay sinuportahan ito ng buong paaralan at kanyang mga kaibigan at nagpatuloy sa mga sumunod na taon.
“I told myself I need to do something. Hindi ko man totally ma-eradicate sila sa poverty, at least may magawa ako para makatulong,” aniya.
Ngunit noong 2019 ay kinailangan niyang lumipat sa siyudad na nagbigay-daan upang gawin itong pormal na sustainable program at tinawag na “Kaagapay Mo Gift Giving and Charity Programs” na nagbibigay ng scholarship sa mga piling bata. Sa kasalukuyan, mayroon ng 44 at ngayong taong panuruan, madadagdagan ito ng 30 pang scholars.
Nakipagsanib pwersa rin siya sa Rise and Rebuild International Foundation sa San Manuel para sa isang feeding program para sa undernourished learners at problema sa illiteracy at absenteeism sa pamamagitan ng pagbibigay ng hot meals at pagtatayo ng 8 feeding center na mayroong kumpletong kagamitan.
Nagsasagawa rin sila ng 100-Day Feeding Program sa ilalim ng Nutrition Education Program na dinadaluhan ng halos 2500 recipients mula sa 21 na pampublikong paaralan sa Tarlac City.
Nang nagkapandemya, inilaan naman nila ang pagtulong sa pagdo-donate ng greenhouses sa mga barangay at pagtuturo sa mga komunidad ng importansya ng pagtatanim at konsepto ng self-reliance.
Dahil sa kanyang mga munting initsyatiba, ginawaran si Teacher Rizalina ng Dangal ng Bayan Award ng Civil Service Commission noong 2022. Bukod dito, kinilala rin siya bilang Outstanding Teacher ng UNESCO-Apnieve Philippines, Asia Pacific Network for International Education and Values Education dahil sa kanyang malikhain at inklusibong paraan ng pagtuturo ng Edukasyong Pagpapakatao tulad ng pagsasabuhay ng mga pagpapahalaga at pagsasama ng storytelling at sign language sa kanyang mga instructional materials.