Higit pa sa sinumpaang tungkulin, batid ni Teacher Pablita Rasonabe Cabarles na ang pagtuturo ay isang paraan din ng pagtulong sa bayan lalo na sa mga mag-aaral. Ipinamamalas niya ito sa pagpapalago ng kaalaman ng mga mag-aaral sa agrikultura sa pamamagitan ng pagpapatupad ng Gulayan sa Paaralan Program sa Manga National High School sa Tagbilaran City, Bohol.
“Maraming rason why I entered this. Number one yung mga learners kasi na nakita ko sa school, yung learners namin parang medyo wala na silang idea kung paano sila mag-produce ng pagkain para sa kanilang pamilya. So, I motivate them ano ang importansya ng agrikultura,” ani Teacher Pablita.
Marami man ang nagduda sa pagsusulong ng agrikultura sa isang lungsod tulad ng Tagbilaran, naniniwala si Teacher Pablita sa kahalagahan nitong maituro sa mga mag-aaral dahil batid niyang kung walang mga magsasaka ay wala ring makakain ang mga tao. Ang motibasyong ito at ang pagmamahal sa pagtuturo at agrikultura ang tangan niya sa pagsusulong ng Gulayan sa Paaralan.
Kwento ni Teacher Pablita, nagsimula ang kanilang Gulayan sa Paaralan program noong 2007 sa maliit na taniman hanggang sa nagkaroon ng babuyan, manukan, kambingan, at tatlong compartment ng fish pond. Ang paglagong ito ay masasalamin din sa dami ng kanilang naging beneficiaries at 191 learners na naging NC II holders.
Dahil sa tunay na serbisyong ipinakita ni Teacher Pablita, kabilang siya sa ginawaran ng Civil Service Commission (CSC) bilang 2022 CSC PAGASA Awardee na kumikilala sa mga kawani ng pamahalaan na nagpamalas ng katangi-tanging kontribusyon at gawain sa serbisyo-publiko.
“Kapag mayroon tayong pagmamahal sa trabaho, hindi naman yan hadlang kung ano man yung dapat mong gawin para maipagpatuloy mo yung pag-unlad sa ating bansa at mayroon din tayong passion kung saan hindi natin iisipin na nagtatrabaho lang tayo para mayroon tayong matanggap, Kundi magtatrabaho tayo para sa mga matutulungan natin. Kapag mayroon kang dedication sa ginagawa mo, of course success is there,” mensahe ni Teacher Pablita para sa mga kapwa niya lingkod-bayan.