Naging malaking hamon sa sektor ng edukasyon ang nagdaang pandemya sa bansa at nagdulot ito ng pagkaantala sa mga klase. Dahil dito, lumikha si G. Rowan Lasalita Celestra, Principal ng Buenavista Elementary School sa Sorsogon City, ng inisyatibang makasisiguro sa tuloy-tuloy na pagkatuto ng mga bata sa tulong ng kanilang mga magulang.
Inilunsad niya ang E-nay.com o Education for Nanay in the Community na naglalayong sanayin ang mga magulang at guardians na maging learning facilitators sa kani-kanilang mga tahanan para sa modular distance learning ng kanilang mga anak at bilang teacher volunteers sa learning hubs.
Ayon kay Sir Rowan, “na-empower sila na magkaroon ng lakas at kakayahan na maging tagapataguyod ng kanilang anak at pamilya kahit hindi sila nagtapos ng pormal na pag-aaral. Dito nabigyan sila ng pagkakataong magkaroon ng kaalaman, certificates, at pagkilala sa mga ginagawa at gagawin pa nila.”
Nagtayo sila Sir Rowan ng E-nay.com Centers sa tahanan ng E-nay leaders na nilalagakan ng iba’t ibang references, modules, at iba pang kagamitan sa pag-aaral. Nariyan din ang E-nay corners sa bawat tahanan na nagsilbing lugar aralan.
Sa Buenavista Elementary School, kung saan unang ipinatupad ang E-nay.com, tumaas ang bilang ng enrollees bawat school year, nabawasan ang bilang ng mga hindi marunong magbasa sa bawat grado, at nagtala ng 0% drop-out rate.
Sa kasalukuyan, patuloy pa rin ang implementasyon ng E-nay.com at tinutulungan ng SEAMEO INNOTECH at iba pang stakeholders si Sir Rowan na bumuo ng handbook para makatulong sa mga maliliit na komunidad. Kalaunan ay plano itong ipatupad sa buong bansa at South East Asia.
“Malaki ang magiging ambag ng E-nay.com sa blended learning dahil ang bawat bahay ay magkakaroon ng learning facilitator. Malaki ang magiging bahagi ng bawat isa sa pagtataguyod ng MATATAG Agenda, lalo na para masugpo ang learning losses,” aniya.
Ilan din sa kaniyang mga proyekto ay ang “Umadral”, isang free tutorial service para sa mga mag-aaral na nahihirapan sa modular learning at ang “Bata, bata, Handa ka na ba?” na isa namang readiness program at aktibidad na naglalayong ihanda ang isip, puso, at katawan ng isang bata para sa pag-aaral, higit sa iba pa.
Dahil sa dedikasyon sa serbisyo at sa kaniyang sinumpaang bokasyon, tinanghal si G. Rowan Lasalita Celestra bilang CSC 2022 Dangal ng Bayan Awardee.
END