Sa pagnanais ni Teacher Cecilia Jarbelo ng Cambulaga Elementary School (CES) sa Sorsogon City na muling buhayin ang Gulayan sa Paaralan at sigla ng pagtatanim sa kanilang paaralan, pinangunahan niya ang inisiyatibang UMASkwela o Uniting green-hand Against Malnutrition and Adversities in School, na ang mga kasali ay mga magulang ng kanilang mag-aaral.
Layunin ng programa na hikayatin ang partisipasyon ng mga stakeholders, partikular ang mga magulang, sa pagkaroon ng stable at sustainable food source ang barangay school at itaguyod ang malusog na pamumuhay at supilin ang malnutrisyon sa komunidad sa pamamagitan ng learning sessions at hands-on activities tungkol sa farming and livelihood education.
“Ang pinaka purpose namin ay dalhin ang UMASkwela sa komunidad para magkaroon ng motivation ang mga tao sa barangay na hindi lang dapat sa pangingisda iikot ang kanilang mundo kundi pati na din sa pagtatanim”, wika ng guro.
Bukod sa pagbuhay muli ng Gulayan sa Paaralan sa kanilang paaralan, nais niyang magkaroon ng kaalaman sa pagtatanim at paggawa ng organic fertilizers na kung saan maari nilang makain at maibenta ang gulay na magbubunga bilang source of income rin ng mga magulang.
Para maisakatuparan ang proyekto, nakipag-ugnayan ang guro sa kanilang City Agriculture Office kung saan nagbigay sila ng mga suhestiyon sa pagtatanim tulad ng paggamit ng high-rise bed, at bamboo splits, at mga container o sako. Kasabay nito ay nakuha ng guro ang gabay ng nasabing opisina mula sa trainings ng Farm Field School (FSS) program para sa paaralan.
Ayon kay Teacher Cecilia, habang nagsasanay at hanggang sa makapagtapos sa training ang mga magulang ay nakapagtanim sila ng sari-saring gulay na siya namang nagbunga ng ligtas at sariwang gulay.
Bukod pa rito, nahikayat din ng mga magulang ang kanilang mga anak na kahit na sa murang edad pa lamang na sumali sa proyekto. Naengganyo rin nila ang kanilang mga kapit-bahay na magtanim sa kani-kanilang mga bakuran sa tulong ng UMASkwela.
“Sana ay mahawa ang kanilang mga komunidad sa pagmamahal nila ng pagtatanim, nais ko sana na bawat purok ay magkaroon ng sariling community vegetable garden para sila ay may income, maging self-sufficient at mapuksa ang malnutrisyon sa kanilang lugar,” wika ni Teacher Cecilia.
END