Batid ni Teacher Ju-im Jimlan ang kahalagahan ng environmental education at climate change mitigation awareness para sa mga susunod na henerasyon. Dahil dito, patuloy ang kaniyang paghubog sa learners na maging eco-centered thinkers. 

Sa munisipalidad ng Tangalan sa Aklan, itinaguyod ni Teacher Ju-im ang teaching strategy na Tuklas-Aral kung saan tinuturuan ang learners ng Tamalagon Integrated School na maging pro-earth.  

Ilan sa mga aktibidad na kanilang ginagawa ay coral planting, tree planting, at paggamit ng dahon ng saging kapalit ng papel na siya ring nagsasanay sa learners na maging makakalikasan. 

Aniya, “If we want to achieve sustainable development, we need to educate the learners to be earth warrior citizens.” 

Sa kasalukuyan, nakapagtanim na sila ng 4,500 corals mula School Year 2018-2019 hanggang 2021-2022 sa coral planting sanctuary ng Tangalan na inaasahang makakatulong sa pag-unlad ng marine ecosystem, turismo at kabuhayan sa kanilang komunidad. 

Subalit kinakailangan din ng suporta at partisipasyon ng mga guro at ibang education leaders upang makamit ang hangaring ito. Kaya naman ipinakilala ni Teacher Ju-im sa mga guro ang konsepto ng green management at environmental empathy gamit ang isang eco-school toolkit.  

Dahil dito, natugunan ang ilang isyung ekolohikal sa pamamagitan ng pagbawas ng carbon footprint status sa tulong ng eco-friendly na pamumuhay, pag-recycle ng mga hindi nabubulok na basura, at integrasyon ng sustainable development concepts sa lesson planning. 

Kasalukuyang bumubuo ng isang green management module si Teacher Ju-im na gagawing batayan sa pagsisimula ng isang eco-school program sa kanilang paaralan. Ang inobasyong ito’y inaasahang magtuturo na maging makakalikasan ang kanilang komunidad, kasama ang education leaders. 

Dahil sa kanyang pambihirang ambag sa komunidad at taos-pusong pagtulong sa kapwa, maituturing na talaga namang kahanga-hanga si Teacher Ju-im. 

END