โHindi hadlang ang edad para tapusin ang pag-aaral. Bukas ang ALS para sa inyo.โ
Isa ang Alternative Learning System o ALS sa mga programa ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) na nagbibigay ng panibagong pag-asa sa mga out-of-school youth at sa mga hindi nakapag-aral dahil sa kahirapan.
Hindi man nakapagtapos sa tamang edad, sinikap ng 67-year-old learner na si Dominga Malinog na maabot pa rin ang kaniyang ninanais na makakuha ng diploma sa pamamagitan ng programang ALS. Nagtapos si Nanay Dominga ng Junior High School (JHS) sa Community Learning Center ng Carpenter Hills Elementary School sa Koronadal City.
โSobrang saya niya kasi noon, gustong-gusto niya talagang mag-aral. Pero, sa kahirapan ng buhay noon, hindi sila pinag-aral ng kaniyang mga parents,โ ani ALS Teacher Wilfred Malinog.
โProud po ako kay nanay na natapos niya ang JHS kahit na 67 years old na po siya,โ dagdag niya.
Tila ba naging tadhana na mula sa formal school, nabigyan ng Special Order si Teacher Wilfred na maging ALS teacher sa naturang paaralan. Ayon sa kaniya, naging tulay ang kaniyang bokasyon bilang guro ng programa.
Ibinahagi niya na tuwing nagi-imprenta siya ng mga module para sa kaniyang learners ay kumukuha ng kopya si Nanay Dominga upang basahin ito at subukang sagutin ang mga katanungan dito.
Dahil dito, hinikayat ni Teacher Wilfred ang kaniyang nanay na magpa-enroll sa ALS. Pormal na pumasok sa programa ng ALS si Nanay Dominga noong Agosto 2023 at siya ang nagsilbing guro nito.
Ayon sa kaniya, masaya siya na naging isa sa mga estudyante niya ang kaniyang nanay. Aniya, โevery time na iche-check ko ang modules niya, pina-follow up ko kung tama ang mga katanungan niya. Sinusunod niya naman ang lahat ng sinasabi ko at lahat ng dapat gawain. So ginagawa niya naman at nagiging okay rin po.โ
Sa ngayon, hinihikayat naman ni Teacher Wilfred si Nanay Dominga na magpatuloy sa Senior High School program ng ALS.
โSa lahat ng mga hindi pa nakapagtapos ng pag-aaral, especially โyong mga nag-stop, out-of-school youth, [at] โyong maagang nag-asawa, hindi pa huli ang lahat. Anytime, puwede kayong mag-enroll ALS, puwede kayong mag-enroll sa elementary, junior high school, at saka senior high school. Ipagpatuloy ang pag-aaral para makapag-tapos.โ