Tila ilang taong hinubog ng panahon ang kakayahan ng batang si Ervin Duque mula Nueva Ecija dahil sa pagkahilig niya sa luksong baka na naging daan upang siya ay makapag-uwi ng gintong medalya para sa Central Luzon Region sa Palarong Pambansa 2023 – High Jump Competition.
Kwento ni Ervin, mahilig daw talaga siyang maglaro ng luksong baka noon dahil patok itong laro sa kanilang komunidad sa kapatagan ng kanilang probinsiya. Hindi niya akalain na magiging daan pa ito para gumaling siya sa pagtalon lalo’t nai-inspire siya na maging atleta noong Grade 3 pa lamang.
“Kasi po nung Grade 3 pa lang po ako, kasama ko pong nag-ha-high jump yung mga player talaga na mga Grade 6, kaya gusto ko po makasali ng High Jump,” ani ni Ervin.
Nagbunga naman ang kaniyang paglalaro at pagpupursige na mag-ensayo kasama ang kaniyang Coach na si Teacher Philip Corporal dahil siya ang unang atletang nakapag-uwi ng gintong medalya para sa rehiyon ng Central Luzon. Ito rin ang unang taon ng pagsali ni Ervin para sa High Jump Competition.
Lubos din ang pasasalamat ni Ervin, kasama sina Coach Philip, at Sir Joel Cruz, Division Sports Officer sa lahat ng sumuporta sa kanila sa Palarong Pambansa. Higit sa lahat, pinasasalamatan ni Ervin ang kanyang pamilya na nanood at sumuporta sa kanyang laban.
“Thank you po sa patuloy na pagsuporta sa akin. Masaya po ako dahil hindi ko po akalain na makakapunta sila, akala ko po ay hindi na,” mensahe ni Ervin sa kaniyang pamilya na bumyahe pa mula Nueva Ecija patungong Marikina City para tunghayan ang kaniyang laban.
Sa ngayon, binabalak ni Ervin na ipagpatuloy ang kaniyang karera sa high jump sa pagpasok niya sa High School sa susunod na taon.